Filipino Online Journal #7

Edukasyon ang susi upang umasenso ang isang tao at magkaroon siya ng magandang buhay. Kaya nga nagkakandahirap ang mga magulang na magtrabaho para lang mabigyan ng magandang edukasyon ang kanilang mga anak. Karamihan sa mga tao sa ating lipunan ay naniniwala na ang “magandang edukasyon” na ito ay maibibigay lang ng magandang paaralan. At sa usaping kolehiyo, alam nating lahat na ang mga magagandang paaralang ito ay ang UP, Ateneo, La Salle, at UST, o mas kilala sa tawag na “Big Four.”

Noong ika-apat na taon na ako sa high school kung saan ako’y mag-aapply na sa iba’t ibang unibersidad, tiniyak ko at ng aking mga magulang na ang aking mga aapplyan ay dapat ang Big Four sa paniniwalang kapag nag-aral ako sa isa sa mga unibersidad na ito, ako ay sigurado na agad na magkakaroon ng magandang trabaho kapag ako’y nakagraduate na. Ngunit sa totoo, hindi naman talaga ganun ang nangyayari. May ibang mga tao na kahit graduate sila ng Big Four, sila naman ay unemployed or underemployed. Maaaring nasasabi ko nga ngayon na nag-aaral ako sa isa sa mga eskwelahan na kabilang sa Big Four, pero alam ko naman sa aking sarili na ang susi talaga sa magandang buhay ay sipag at tiyaga. Kaya ngayon ay pinag-iigihan ko ang aking pag-aaral para makamit ko ang magandang buhay na ito. Ngunit hindi naman ako nag-aaral ng mabuti para lang magkaroon ng matataas na marka. Ang importante naman talaga ay may natutunan ako at nagagamit ko ito sa aking buhay.
Filipino Online Journal # 6
Ang aking larawan napili ay ang “Bisperas ng Piyesta” ni Romulo Galicano.
Makikita sa “painting” na ito ang paraan ng paghahanada ng mga Pilipino sa isang piyesta. Binabasbasan ng pari ang santo na kanilang ipaparada para sa piyesta ng kanilang bayan.
Ito ay tradisyunal sapagkat nagpapakita ito ng pagpapahalaga sa Diyos. Sa larawan, may magaganap sa kanilang lugar na piyesta at ang una agad nilang ginawa ay magdasal at magpasalamat sa Panginoon. Dahil sa gawaing ito, makikita ang kapangyarihan ng relihiyon sa buhay ng mga Pilipino. Sa lunan naman ng larawan, nakatanaw ito sa isang malawak na espasyo na nagpapahiwatig din na ito ay tradisyunal.
Kung tutuon naman sa prinsipyo, nakasaad sa tradisyunal na mayroong “Singular Truth” na itinataguyod. At sa larawang ito, ang katotohanang iyon ay ang pagiging maka-Diyos ng mga Pilipino. Sinasabi sa prinsipyo ng tradisyunal ang pagpilit ng kolektibong pamumuhay bilang unibersal na katotohanan. At dahil nga sa gawain ng bayang iyon na ialay ang kanilang piyesta para sa isang santo, o para sa Panginoon, nakabuo o nakarating tayo sa sinasabing unibersal na katotohanan na tunay ngang maka-Diyos ang mga Pilipino.
Kung identidad naman ng tao ang pag-uusapan, nabubuo ito sa kung ano ang inaasahan ng lipunan sa iyo. Dahil nga sa tradisyunal nakasindig ang tao sa kolektibo, katulad na lamang ng sa larawan, ang isang indibidwal, partikular ang isang Pilipino, ay inaasahan na mabuhay para sa Diyos. At dahil nga ito sa ginawa ng bayang magpipiyestang pag-aalay ng kanilang kapistahan sa Panginoon.
Ang isa pang punto kaya ito nasabing tradisyunal ay sapagkat didaktiko ang larawang ito. Nag-iiwan ang larawan ng aral para sa ating lahat na matuto rin tayong mamuhay para sa Diyos. At ito ay sa paraang pag-aalay ng lahat ng bagay at ng ating gawain para sa Maykapal.
Filipino Online Journal #5
Ang organikong kaisahan ay ang pagkakaroon ng pagkakaugnay ng iba’t ibang elemento upang makabuo ng isang central na ideya o tema na isinusulong sa kuwento. Ang bawat elemento sa istorya ay kinokomplement ang isa’t isa sapagkat ang lahat ng mga ito ay may malaking ambag sa pagbuo ng paksa.
Para sa ikalimang online journal na ito, napili kong ilapat ang pelikulang Valentine’s Day. Sa palabas na ito, maraming tauhan ang sangkot sa kuwento. Makikita pa na magkakaiba talaga ang mga taong ito sa aspekto ng personalidad, pinanggalingan, pamumuhay, at maraming pang iba. Ngunit sa pag-unlad ng istorya ng pelikula, umiikot pa rin ito sa iisang kuwento sa kabila ng pagkakaroon ng sari saring tauhan. Kaya para sa akin, ang sineng ito ay isang ehemplo ng panitikang nagtataglay ng organikong kaisahan.
Filipino Online Journal #4
Para sa ikaapat na FOJ, napili ko ang pelikulang The Hunger Games. Ang sineng ito may masasabi kong magkaparehong tradisyunal at modernong panitikan dahil sa iba’t ibang aspeto. Una sa lahat, itinuring kong itong tradisyunal dahil sa halatang halata sa sa kuwento na ang Capitol ang kalaban. Hawak at namumuno mismo sila sa lahat ng mga districts ng Panem, kung saan kabilang si Katniss (ang pangunhing tauhan) sa District 12. Inaabuso ng Capitol ang lahat ng mga districts sa kanilang bansa palbihasa’y mahihirap lamang ang mga ito. Isa ring dahilan kung bakit ito tradisyunal ay dahil sa storya ng pag-iibigan nina Katniss at Peeta. Ito ay romantikong pag-ibig, isa sa mga pangunahing katangian ng tradisyunal.
Sa kabilang banda, masasabi ko rin itong moderno sapagkat nagpapakita ang storya ng feminismo na kinakatawan ng pangunahing tauhan na si Katniss. Hindi ito sumusunod sa istiryutipo ng mga babae kung saan sila ay mahina at may kakulangan. Kabaliktaran pa nga ang ipinakita sa storya sapagkat si Katniss mismo ang bumubuhay sa kanyang pamilya o tinatawag na “breadwinner.” Siya rin ang nanalo sa mismong The Hunger Games na nagpapakita ng kanyang kalakasan at maraming kakayahan kahit na siya ay isang babae. Isa pang dahilan kung bakit ito moderno ay dahil liberal ang pag-iisip ng mga tauhan. Hindi sinunod nina Katniss at Peeta ang patakaran ng Capitol sa The Hunger Games o nagrebelde sila sa pamamagitan ng (muntik na dapat na) pagkain nila ng mga lason na berries na maghahatid sana sa walang mananalo sa laro. Ngunit dahil sa pagrerebelde nilang ito, sa huli ay wala ring namatay at pareho pa silang idineklarang nanalo sa Hunger Games na iyon.
Filipino Online Journal #3

Noong Hulyo 19, 2012, Huwebes, nanood kami ng aking mga kaklase ng “Mutya,” isang palabas na inihandog ng Ateneo Entablado sa Rizal Mini Theatre. Dito, tampok ang dalawang dulang “Mga Santong Tao”ni Tomas Remigio at “Ang Sistema ni Propesor Tuko” ni Al Santos.

Ang unang dulang “Mga Santong Tao” ay tungkol sa mag-asawang Titay at Ambrosio na may planong linlangin ang tatlong makapangyarihang tao na nanliligaw kay Titay. Sa huli, matagumpay niyang naloko ang tatlo para sa pera. Para sa akin, masasabi kong ang dulang ito ay tradisyunal. Una sa lahat, dahil ito ay naganap noong mga panahon ng kastila. Sa pananamit pa lamang ng mga tauhan, ito ay makaluma at konserbatibo. Katulad rin ng kanilang paraan ng pag-iisip. Sa mga linyang kanilang binitawan, ang mga salitang ginamit ay lumang tagalog na hindi na ginagamit mismo sa makabagong panahon ngayon. Ang paraan naman kung paano nila ito sinabi, ay sa paraang patula. Ito ay may kaayusan o organisasyon, na isa sa mga pangunahing katangian ng tradisyunal na panitikan. Sa banghay naman, hindi man direktang masasabing tradisyunal ito dahil sa storyang hindi ideyal. Pero kung titignan, umikot naman ang istorya sa mag-asawang Titay at Ambrosio na maaaring maging romantiko. Ito ay sa dahilang kahit nakuha ni Titay ang gusto niyang pera sa huli, hindi naman niya hinayaang makuha ng kanyang tatlong manliligaw ang kagustuhan nila na siya ay “mahawakan.” Lumalabas na sa huli ng kwento, isang tao lang pa rin ang pwedeng “humawak” sa kanya at yun ay si Ambrosio, ang kanyang pinakamamahal na asawa.

Ang ikalawang dula namang “Ang Sistema ni Propesor Tuko” ay tungkol sa isang klase na may apat na estudyante na sina Kiko, Ningning, Bubbles, at Bonjing at ang kanilang guro na si Propesor Tuko. Umikot ang istorya sa kung paano nagtulungan ang apat na magkaklase na itigil na ang hindi magandang sistema ni Propesor Tuko at magkaroon ng bagong sistema kung saan nagkakasundo at mas maayos ang lahat. Sa dula namang ito, masasabi ko na isa itong modernong panitikan. Sa tagpuan at panahon, mapapag-alaman na ito ay pagkatapos na ng panahon ng mga kastila, na kabilang na sa modernong panahon. Makikita rin sa pananamit ng mga tauhan na ang kanilang kasuotan ay makabago na. Sa kanilang paraan ng pananalita, mapapansin na ito ay malaya dahil wala itong sinusunod na pamantayan. Hindi kailangang may organisasyon basta’t ang importante ay naipahayag nila ang gustong sabihin. Ganito rin sa paraan ng pag-iisip ng mga tauhan pati na rin sa mismong banghay ng dula. Malayang nakakapag-isip ang mga tauhan kung kaya’t malaya rin nilang nagagawa ang gusto nila. Kaya sa mismong kwento, naghanap sila ng solusyon upang makamit ang kalayaan dahil maraming kagustuhan ang napipigil. Umisip at gumawa sila ng paraan upang makawala sa kulong na sistema ni Propesor Tuko.

FILIPINO ONLINE JOURNAL #2
Ang pelikulang “The Perks of Being a Wallflower” na ipapalabas pa lamang ay base sa isang napakagandang nobela na isinulat ni Stephen Chbosky. Tungkol ito sa isang taong nagngangalang Charlie na papasok na sa kanyang unang taon sa “high school.” Nakapresenta ang nobela sa paraang nagsusulat si Charlie ng mga liham sa kanyang kaibigang hindi pa niya masyadong kilala ngunit napagdesisyunang niyang pagkatiwalaan ito. Ikinukuwento niya ang kanyang mga naging malalapit na kaibigan at ang mga bagay na kanyang naranasan kasama sila. Pinapakita rin ng kanyang mga sulat ang kanyang paglaki at pag-unlad bilang isang tao.
Kung nabasa talaga ang mismong libro, makilala mo si Charlie bilang isang mahiyain at “awkward” na tao. Napakatalino niya ngunit siya mismo ay hindi alam ito. Nakikita niya ang mga bagay bagay sa iba ngunit tusong paraan. Iniisip ng mga tao sa kanyang paligid na siya ay isang “weirdo.” Ngunit kasi hindi nila alam ang pinagdaanan ni Charlie noong bata pa siya kaya nakaapekto ito sa kung ano siya ngayon.
Ito ang napili kong pag-usapan sa ikalawa kong FOJ dahil maiihambing ito sa aming tinalakay ngayong linggo, ang tulang “Payo sa Bumabasa ng Tula.” Sa aming pagtalakay, natutunan kong dapat hindi madaliin ang pagbasa ng tula. Kailangan ay isa isahin ang bawat aspekto nito upang sa huli ay malaman natin ang tunay na kahulugan ng mismong tula at saka lamang natin ito talagang mauunawaan at malalagyan ng ating sariling interpretasyon. Katulad lamang ito ng isa sa aking mga natutunan sa pagbasa ng librong “The Perks of Being a Wallflower,” na dapat ay kinikilala muna natin talaga ang isang tao bago natin sila husgasan. Kapag hindi natin ginawa ito at agad tayong nanghusga, mapupunta tayo sa maling kahulugan na magdadala rin sa atin ng maling interpretasyon o pagkilala sa isang tao. Hayaan nating lumabas ang tunay nilang personalidad upang maunawaan talaga natin sila at malaman ang mismong katotohanan.



